15/07/2026
Dialysis Patient at 17
Sa murang edad na 17, si Ma. Princess Sarah ay na-diagnose na may Chronic Kidney Disease Stage 5 (CKD 5) at nagsimulang sumailalim sa dialysis. Noong una, sa Philippine General Hospital (PGH) siya nagpapagamot, kasama ang kanyang ina na si Gng. Rosita, na mga residente ng Barangay Sampaloc 4.
Kalaunan, nailipat si Ma. Princess sa Pagamutan ng Dasmariñas – Dialysis Unit dahil sa hirap ng biyahe at sa gastusin ng pagpunta sa Maynila nang dalawang beses bawat linggo para sa kanyang gamutan.
Hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan. Sa kabila ng murang edad, marami na siyang hinarap na pagsubok kaugnay ng kanyang kalusugan. Ngunit sa tulong ng tuluy-tuloy na gamutan, at higit sa lahat, sa pagmamahal at suporta ng kanyang pamilya, patuloy siyang lumalaban araw-araw sa pag-asang muli siyang makabalik sa normal na pamumuhay.
Bagamat isang Senior Citizen na, hindi nagmintis na samahan ni Nanay Rosita ang kanyang Unica Hija tuwing nagpapagamot ito.
Maraming salamat, Ma. Princess at Nanay Rosita, sa pagbabahagi ng inyong kwento. Maikli man ito, malinaw na ipinapakita nito ang tibay ng loob, pag-asa, at pagmamahal ng isang pamilyang sama-samang humaharap sa pagsubok.
Dalangin namin ang patuloy ninyong kalakasan, mabuting kalusugan, at mas marami pang biyayang darating sa inyong buhay.
Disclaimer: Humingi at nakatanggap ng pahintulot ang Pagamutan ng Dasmariñas COH and HA mula kina Ma. Princess at Nanay Rosita upang sila ay kuhanan ng litrato at maibahagi ang kanilang kwento.