08/08/2026
โAng Hardin na Wala sa Mapa๐ป๐๐ฅ
โ
โPaano kaya kung may isang hardin na hindi makikita sa Google Map, walang address, at walang bakod? Isang harding hindi kailangang puntahan ng paa, kundi ng pusong pagod.
โ
โIsang lugar na kapag binuksan mo ang tarangkahan, hindi ka sasalubungin ng ingay ng mundo, kundi ng katahimikang matagal mo nang hinahanap. Sa bawat punong sumasayaw sa hangin, tila unti-unting nahuhulog ang mga alalahaning matagal mong pasan. Sa bawat bulaklak na namumukadkad, may paalala na kahit ang pinakamahabang tagtuyot ay sinusundan ng pamumulaklak.
โ
โMarahil, kailangan natin ng ganitong hardin.
โIsang silid na walang orasan. Walang deadline. Walang pagsusulit. Walang paghahambing. Walang tanong na, "Kaya mo pa ba?" Dahil sa kwartong iyon, sapat nang umupo. Sapat nang huminga. Sapat nang umiyak nang walang nakakakita.
โ
โSa mundong tila laging nagmamadali, nakakalimutan nating may mga taong hindi tamadโpagod lang. May mga ngiting hindi tanda ng saya, kundi maskarang isinusuot upang hindi mahalata ang bigat na kanilang dinadala.
โ
โPaano kung may harding puwedeng hiraman ng katahimikan? Isang bangkong yari sa pag-asa. Isang puno kung saan maaaring isabit pansamantala ang lahat ng takot, pangamba, at pagod. Isang ilog na sa bawat agos ay inaanod ang mga salitang hindi natin masabi.
โ
โSiguro, marami ang pupunta roon.
โAng estudyanteng napapagod nang maging malakas.Ang manggagawang ilang gabi nang kulang sa tulog. Ang anak na laging inuunang intindihin ang iba kaysa ang sarili. Ang taong ilang buwan nang nakikipaglaban sa isang unos na siya lamang ang nakaaalam.
โ
โAt marahil, tayo rin.
โNgunit habang wala pa ang harding iyon, baka tayo mismo ang maaaring maging hardin ng isa't isa.
โ
โIsang taong marunong makinig nang hindi nagmamadaling magbigay ng payo. Isang yakap na hindi nagtatanong kung bakit ka umiiyak. Isang simpleng, "Pahinga ka muna, nandito lang ako."
โ
โDahil minsan, ang pinakamagandang hardin ay hindi iyong hitik sa bulaklak. Kundi iyong may taong handang samahan kang mamahinga habang unti-unti mong pinupulot ang mga piraso ng sarili mong nalugmok.
โ
โAt kung sakaling may ganoong hardin sa kung saan man, sana'y bukas ito sa lahat. Walang bayad ang pagpasok. Walang limitasyon ang pananatili. Walang huhusga sa dami ng luha o bigat ng dalahin.
โ
โHanggang sa araw na handa na silang muling lumabas, dala ang kaunting liwanag na minsan nilang inakalang tuluyan nang nawala.
โ
โDahil kahit ang pinakamabigat na puso ay nangangailangan lamang kahit sandali ng isang tahimik na hardin upang muling matutong mamukadkad.
๐Claire Anne Rivera ( YACAP Core Team Member)
๐ธ Plaridel Team