09/06/2026
𝐈𝐬𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐭𝐚𝐰𝐚𝐧, 𝐈𝐢𝐬𝐚𝐧𝐠 𝐋𝐚𝐲𝐮𝐧𝐢𝐧: 𝐒𝐚 𝐆𝐢𝐭𝐧𝐚 𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐇𝐚𝐦𝐨𝐧, 𝐌𝐮𝐥𝐢𝐧𝐠 𝐏𝐢𝐧𝐚𝐠𝐭𝐢𝐛𝐚𝐲 𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐌𝐚𝐧𝐠𝐠𝐚𝐠𝐚𝐰𝐚𝐧𝐠 𝐃𝐚𝐠𝐢𝐭𝐚𝐛 𝐚𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐠𝐤𝐚𝐤𝐚𝐢𝐬𝐚
Sa isang makabuluhang pagtitipon ng mga Manggagawang Dagitab ng ORMECO, Inc., muling pinagtibay ang diwa ng pagkakaisa, pakikipag-ugnayan, at sama-samang pananagutan sa isinagawang 𝐄𝐦𝐩𝐥𝐨𝐲𝐞𝐞𝐬 𝐌𝐞𝐞𝐭𝐢𝐧𝐠 noong Sabado, ika-6 ng Hunyo 2026, sa Member-Consumer-Owners Recreation and Events Center. Naging mahalagang lunsaran ang pagpupulong upang maibahagi ng walong pangunahing kagawaran ng kooperatiba ang kanilang kasalukuyang kalagayan, mga naisakatuparang hakbangin, at mga hamong patuloy na kinakaharap bilang bahagi ng adhikain ng pamunuan na isulong ang mas bukas, tapat, at may pananagutang pamamahala.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng pasasalamat si Pangkalahatang Tagapamahala 𝐄𝐧𝐠𝐫. 𝐇𝐮𝐦𝐩𝐡𝐫𝐞𝐲 𝐀. 𝐃𝐨𝐥𝐨𝐫 sa oras at pakikiisang ipinagkaloob ng bawat kawani. “𝘔𝘶𝘭𝘪 𝘢𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘨𝘱𝘢𝘱𝘢𝘴𝘢𝘭𝘢𝘮𝘢𝘵 𝘴𝘢 𝘪𝘯𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘥𝘢𝘭𝘰. 𝘈𝘯𝘨 𝘰𝘳𝘢𝘴 𝘯𝘢 𝘪𝘵𝘰 𝘢𝘺 𝘱𝘢𝘳𝘢 𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘮𝘪𝘭𝘺𝘢, 𝘴𝘢 𝘴𝘢𝘳𝘪𝘭𝘪, 𝘢𝘵 𝘴𝘢 𝘪𝘣𝘢 𝘱𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘨𝘢𝘺 𝘯𝘢 𝘮𝘢𝘩𝘢𝘭𝘢𝘨𝘢 𝘴𝘢 𝘪𝘯𝘺𝘰. 𝘕𝘨𝘶𝘯𝘪𝘵 𝘯𝘢𝘯𝘪𝘯𝘪𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘢𝘬𝘰 𝘯𝘢 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘯𝘢𝘴𝘢𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘪𝘯𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘱𝘶𝘯𝘵𝘢 𝘳𝘪𝘵𝘰 𝘴𝘢𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘵 𝘮𝘶𝘭𝘪 𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘴𝘪𝘯𝘢𝘴𝘢𝘣𝘪: 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘬𝘰 𝘬𝘢𝘺𝘰 𝘣𝘪𝘣𝘪𝘨𝘶𝘪𝘯. 𝘒𝘢𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨𝘢𝘯 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘵𝘪𝘯 𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘵𝘪𝘵𝘪𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘢𝘵 𝘴𝘰𝘭𝘪𝘥𝘢𝘳𝘪𝘥𝘢𝘥, 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘴𝘢𝘢𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘸𝘢𝘵 𝘪𝘴𝘢 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘩𝘢𝘭𝘢𝘨𝘢𝘯𝘨 𝘨𝘢𝘮𝘱𝘢𝘯𝘪𝘯,” ani Dolor.
Higit sa isang karaniwang pagpupulong, ang gawaing ito ay naging sagisag ng panibagong paninindigan ng ORMECO na patatagin ang pagkakaisa sa loob ng organisasyon. Sa gitna ng mga hamon, muling ipinamalas ng mga Manggagawang Dagitab na ang lakas ng kooperatiba ay nagmumula sa sama-samang pagkilos, iisang mithiin, at nagkakaisang hangaring makapaghatid ng tapat, maaasahan, at serbisyong may integridad at malasakit para sa bawat miyembro-mamimili-may-ari ng Oriental Mindoro.