14/01/2026
𝐆𝐮𝐬𝐭𝐨 𝐤𝐨 𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐩𝐨 𝐢-𝐬𝐡𝐚𝐫𝐞 𝐰𝐡𝐚𝐭 𝐰𝐞 𝐡𝐚𝐯𝐞 𝐝𝐨𝐧𝐞 𝐬𝐨 𝐟𝐚𝐫 𝐟𝐨𝐫 𝐨𝐮𝐫 𝐜𝐡𝐢𝐥𝐝𝐫𝐞𝐧 𝐰𝐢𝐭𝐡 𝐬𝐩𝐞𝐜𝐢𝐚𝐥 𝐧𝐞𝐞𝐝𝐬. I hope you can take the time to read 🫰
Magandang araw po. Maraming salamat po sa inyong mga suhestiyon. Tama po kayo, napakahalaga na mabigyan ng pansin ang ating mga batang may special needs. Kasalukuyan ay mayroon na po tayong 4 na SNED schools sa Porac, bilang bahagi ng ating adbokasiya para sa inclusive education.
Sa pagtutulungan ng ating buong komunidad, marami na po tayong nagawa para sa ating children with special needs.
Nagsagawa po tayo ng assessment ng mga mag-aaral sa SNED schools sa tulong ng ating mga partner Occupational Therapists upang matukoy kung sino ang nangangailangan ng referral sa mga espesyalista. Sa programang ito nakapagbigay rin tayo ng home instructions upang magabayan ang mga magulang sa mga activities na makatutulong sa kanilang mga anak sa bahay.
Nagdaos din po tayo ng seminars at orientations para sa mga day care teachers and parents, SNED teachers, social workers upang mapalawak ang kaalaman sa early signs ng autism at iba pang developmental concerns.
Sa kauna-unahang pagkakataon din po, ating nabuo at napag-isa ang mga parents ng children with special needs sa ating bayan. Nagkaroon po ng kinatawan ang bawat barangay upang mas maayos at mas malinaw nilang maiparating sa atin ang mga pangangailangan at saloobin ng kanilang mga anak.
Nakapagbigay rin po tayo ng libreng occupational therapy sa iilang indigent na bata. Bagama’t hindi pa po natin kayang ma-cover ang lahat, dahil na rin po sa may kamahalan ito at kulang na kulang po ang ating mga therapists, atin pong binigyang-prayoridad ang mga batang hindi pa kailanman nakapagpatingin sa therapist.
Batid din po natin na may hamon sa demand dahil sa kakulangan ng mga occupational therapists sa Porac. Dahil dito, naglaan po tayo ng scholarships at itinuring natin ang Occupational Therapy bilang priority course, upang mas maraming kabataan ang maengganyong kunin ang kursong ito at balang araw ay makapaglingkod sa ating komunidad.
Nararamdaman din po natin kung gaano kabigat ang gastusin at pangangailangan ng mga magulang na may anak na may special needs, kaya’t naglaan din po tayo ng financial assistance para sa ating mga indigent parents bilang dagdag na suporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
At ngayong taong 2026, sa pagtaas po ng ating pondo, isa sa ating pinaglaanan ng budget ay ang pagpapagawa at pagaayos ng ating community-based therapy facility, upang mas marami pa tayong batang mapagsilbihan at makapagbigay ng libre o mas abot-kayang therapy.
Maraming salamat po, at patuloy po tayong magtulungan para sa kapakanan at kinabukasan ng ating mga batang may espesyal na pangangailangan. 🥰