31/07/2026
Muli na namang ipinakita ng bulok na estado na higit nitong pinahahalagahan ang tubo ng malalaking kapitalista kaysa sa karapatan ng mga manggagawa sa disenteng kabuhayan. Ang pagpataw ng Temporary Restraining Order (TRO) sa ipatutupad na ₱85 umento sa minimum na sahod sa National Capital Region ay isang tahasang pagharang sa napakaliit nang kagaanang dapat sana’y matatanggap ng milyun-milyong manggagawa sa gitna ng lumalalang krisis sa kabuhayan at walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo.
Insulto sa napakaraming manggagawa ang pagharang sa ₱85 umento. Hindi pa man ito sapat upang tugunan ang tunay na halaga ng pamumuhay ng isang pamilyang Pilipino, agad na kumikilos ang mga naghaharing institusyon upang tiyaking hindi mababawasan ang napakalalaking tubo ng kanilang mga negosyo. Samantala, patuloy na pinapasan ng mga manggagawa ang epekto ng mataas na implasyon, mababang pasahod, kontraktwalisasyon, at tumitinding kawalang-seguridad sa trabaho.
Habang ipinagkakait ang kakarampot na dagdag-sahod, walang humpay namang tumataas ang singil sa kuryente, tubig, langis, pamasahe, at iba pang pangunahing serbisyo at bilihin. Lalong pinabibigat ito ng mga patakarang tulad ng pribatisasyon at deregulasyon, gayundin ng pagpataw ng Value-Added Tax (VAT) sa mga pangunahing bilihin at serbisyo na lalo pang nagpapabigat sa gastusin ng mamamayan. Maliwanag na ang pasanin ng krisis ay ipinapasa sa uring manggagawa at maralita, habang patuloy na napapangalagaan ang interes ng malalaking negosyo.
Malaki ang pananagutan ni Marcos Jr. upang tiyaking umiiral ang karapatan ng mga manggagawa sa makatarungang sahod at disenteng pamumuhay. Sa halip, nagpapatuloy ang mga patakarang nagbibigay-priyoridad sa interes ng malalaking kapital kaysa sa kapakanan ng mga lumilikha ng yaman ng lipunan. Ang TRO sa ₱85 umento ay sumasalamin sa mas malawak na suliranin ng mababang sahod at mataas na gastos sa pamumuhay na matagal nang kinakaharap ng uring manggagawa.
Kaisa ng mga manggagawa ang Anakpawis Party-list sa matagal nang panawagan na family living wage na sa kasalukuyang komputasyon ng Ibon Foundation ay ₱1,312. Kailangang isulong ang isang nakabubuhay na pambansang minimum na sahod na tumutugon sa tunay na halaga ng pamumuhay, wakasan ang kontraktwalisasyon at iba pang anyo ng pagsasamantala sa paggawa, alisin ang VAT sa mga pangunahing bilihin at batayang serbisyo, at ibasura ang mga patakarang nagpapalala sa gastos ng mamamayan.
Ang kasaysayan ng uring manggagawa ay nagpapatunay na walang makabuluhang tagumpay na kusang ipinagkaloob. Ang bawat dagdag-sahod, bawat karapatan, at bawat tagumpay ay bunga ng sama-samang pagkilos at pakikibaka. Ngayon ang panahon upang higit pang palakasin ang pagkakaisa ng mga manggagawa, maralita, at lahat ng sektor ng lipunan upang igiit ang nakabubuhay na sahod, pananagutan sa mga mapanupil na patakaran, at isang ekonomiyang tunay na nagsisilbi sa nakararami.