01/05/2026
Ngayong 1 Mayo 2026, pinaparangalan natin ang bawat manggagawang Pilipino na siyang lakas ng ating ekonomiya. Mula sa pabrika hanggang sa opisina, mula sa bukid at dagat hanggang sa kalsada, patuloy nilang pinapagalaw ang ating lipunan sa kabila ng tumitinding hamon sa kabuhayan.
Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin, lalong bumibigat ang pasanin ng mga manggagawa lalo na ang mga minimum ang sahod, arawan ang kita, at nasa impormal na sektor. Ang kasalukuyang krisis ay may direktang epekto sa kanilang kakayahang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan at mamuhay nang may dignidad.
Patuloy ang panawagan ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao para sa makatarungan, ligtas, at makataong kondisyon sa paggawa. Mahalaga ang mga agarang hakbang upang maprotektahan ang karapatan sa sapat na sahod, social protection, at access sa abot-kayang serbisyo lalo na sa panahon ng krisis.
Sama-sama tayong manindigan para sa karapatan ng bawat manggagawa at tiyaking walang maiiwan sa gitna ng tumitinding hamon sa ekonomiya.