10/06/2026
Pinangunahan ni Mayor Wes Gatchalian ang pamamahagi ng mga life-saving insulin at diabetes care supplies sa Valenzuela Red Cross Volunteers Center, bilang bahagi ng Changing Diabetes in Children Program para sa mga residenteng may edad 0 hanggang 25 taong gulang.
Sa ilalim ng inisyatibong ito na naglalayong palakasin ang laban ng lungsod kontra Type 1 Diabetes, humigit-kumulang 40 benepisyaryo ang tumanggap ng mahahalagang kagamitan tulad ng insulin (Tresiba at Novorapid), mga karayom, glucose meters, at suporta para sa monitoring ng HbA1c. Ang mga kwalipikadong pasyente ay makatatanggap ng mga supply na ito nang libre bawat kuwarter sa loob ng limang taon upang matiyak ang mas ligtas na diabetes management at mas magandang kalidad ng buhay.
Ang programa ay matagumpay na naipatupad sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa Novo Nordisk, Roche, Humanity & Inclusion, at Philippine Red Cross upang ilapit ang abot-kaya at de-kalidad na healthcare sa mga kabataang Valenzuelano.